Ngayong buwan ng Agosto, ating ginugunita at ipinagdiriwang ang Buwan ng wika bilang pagbibigay ng kahalagahan sa ating wika, ang Filipino at ang kontribusyon nito sa ating mga buhay. Ipinapaalala nito na napaka-importante sa isang bansa na magkaroon ng pambansang wika upang lubos na makilala ang yaman ng ating kultura. Pero ano ba ang kahalagahan ng pagkakaroon ng iisang wika? Paano natin ito maipagmamalaki sa buong mundo ngayong panahon ng globalisasyon? At paano natin ito magagamit upang makamit natin ang pagbabago?
Ang pagkakaroon ng iisang wika ay nangangahulugang nagkakaisa ang mga mamamayan at nagkakaintindihan ang lahat para sa iisang hangarin. Dahil kung hindi pinahalagahan noon na magkaroon ng pambansang wika ay hindi magkakaintindihan at magulo ang pakikipag-komunikasyon at talastasan. Hindi magiging maayos ang buhay kung iba’t-ibang wikang etniko ang dapat nating kabisaduhin. Kaya noon, pinahalagahan ni dating Pangulong Manuel Quezon na magkaroon ng iisang lengwahe upang magkaisa at maipakita sa buong mundo na kung may iisang wika na ginagamit ang isang bansa, nagkakaisa sa iisang hangarin ang mga tao nito. Kaya itinanghal nating ‘Ama ng wikang Pambansa’ si Quezon dahil sa kanyang natatanging limbag sa wika’t panitikan.
Wika Natin ang Tuwin na Daan: Ngayong pumapasok na ang iba’t-ibang wikang banyaga sa ating bayan, kailangan nating pahalagahan at wastong gamitin ang ating pambansang wika. Ating ipaalam sa kanila na kung nandito ka sa Pilipinas, dapat matuto kang magsalita sa wikang Filipino upang lubos na makilala ang kultura at panitikan ng ating lipunan.
Ang ating wika ay sumisimbolo ng isang bansang matatag at nagkakaisa dahil kung hindi magkaintindihan ang bawat mamamayan nito dahil sa mga pansariling wika, hindi uunlad ang ating bayan at patuloy pa rin sa paglayo ang inaasam nating pagbabago. Kung may iisang wika, magkakaintindihan ang lahat at magkakaroon ng iisang hangarin at ito ay bumangon mula sa mga pinagdaanang problema. Ngayong nasa tuwid na landas na tayo, ating ipagmalaki at ipagbunyi na mayroon tayong iisang wika at ito ang Filipino na daan sa iisa nating hangarin, at ito ang pagbabago sa lipunan. Nawa’y ating gamitin ng wasto ngayong buwan ng wika ang Filipino at taas-noo tayong magsalita sa ating sariling wika!
No comments:
Post a Comment